Matagumpay na idinaos ang Onion Harvest Festival sa pangunguna ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon (DA RFO 3) sa pamamagitan ng High Value Crops Development Program ngayong araw, ika-17 ng Pebrero sa Barangay Tinajero, Bacolor, Pampanga.
Naging makasaysayan ang nasabing kaganapan dahil sa unang pagkakataon ay nakapagtanim ng sibuyas sa munisipalidad ng Bacolor.
Ayon kay Program Director Panganiban, ang DA sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ay nagsasagawa ng mga proyektong makatutulong sa sektor ng agrikultura.
“Ang gusto natin kasi is to, not only put in band-aid solution, gusto natin makapag-produce tayo in a level na sufficient para sa ating population,” saad niya.
Nasaksihan ito nina National Urban and Peri-Urban Agriculture Program at High Value Crops Development Program Director Glenn Panganiban, Regional Technical Director for Operations and Extension Dr. Eduardo L. Lapuz, Jr., Agribusiness and Marketing Assistance Division Chief Fernando Lorenzo, Regional HVCDP Coordinator Engr. AB David at Senior Agriculturist Carmencita Nogoy.
Dinaluhan din ito nina Project Development Officer IV Jose Jeffrey Rodriguez, Project Development Officer IV Atty. Joycel Panlilio, ilang opisyales mula sa DA RFO 3, Office of Provincial Agriculture, Municipal Agriculture Office at Lokal na Pamahalaan ng Bacolor.
Batay sa datos, ang Gitnang Luzon ang may pinakamataas na kontribusyon sa suplay ng sibuyas sa buong Pilipinas. Sa katunayan, umaabot sa 55% ang naisusuplay ng rehiyon.
Upang matiyak ang seguridad at produksyon nito, patuloy ang pagbuo ng ahensiya ng mga programang nakaangkla sa pagpapalawig ng taniman ng sibuyas.
Isa na nga rito ang Abe-Abe Ortelano Barangay Tinajero Farmers Association sa nakatanggap ng buto ng pula at puting sibuyas noong nakaraang taon.
May kabuuang 50 lata ng puti at 670 pakete ng pulang buto ng sibuyas ang naipamahagi ng DA RFO 3 sa grupo.
Ang kuwento ng magsasakang si Fidel Dumas ang magpapatunay sa naging produktibo at magandang resulta ng proyekto.
“May potensiyal ang pagsisibuyas dito sa Bacolor. Malakas ang loob kong magtanim ng sibuyas dahil nasa likod ko ang Municipality Agriculture at DA,” sambit ni Dumas.
Aniya, malaking tulong ‘di umano ang suporta at tulong na kaniyang natatanggap mula sa gobyerno sa kaniyang pagtatanim ng sibuyas.
Inaasahan na sa isinagawang pag-aani ng sibuyas ay magsisilbing simbolo ito ng pag-asa at kasaganahan sa sektor ng pagsisibuyas.
#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon
Source: DA Central Luzon Facebook Page