Idinaos ng Kagawaran ng Pagsasaka para sa Gitnang Luzon sa pamamagitan ng High Value Crops Development Program (HVCDP) ang Regional Evaluation para sa Gulayan sa Barangay (GSB) Program nitong ika-15 ng Nobyembre sa Barangay Bulihan, Plaridel, Bulacan.

Ito ay pinangunahan nina Field Operations Division Chief Elma Mananes, HVCDP Focal Person Engr. AB David, kinatawan mula sa Central Office Atty. Joycel Panlilio kasama ang mga regional evaluators na sina GSB Focal Person Glarissa Balbarez at Civil Society Organization Representative Ferdinand Marcos.

Dinaluhan din ito nina Provincial Agriculturist Ma. Gloria SF. Carrillo, Agriculture Program Coordinating Officer (APCO) ng Bulacan Alfredo Tolentino, Provincial HVCDP Coordinator Raymart Santiago, Representative from the Office of the Governor Atty. Manuel Coronel, Municipal Agriculturist Jose Carrillo at Barangay Captain Esperanza Garcia.

Ayon kay Atty. Coronel, malaking tumulong ‘di umano ang pagkakaroon ng vegetable garden sa barangay upang makatipid ang mga mamamayan sa pagbili ng mga gulay lalo na ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

“Isa po ang sektor ng agrikultura sa ating binibigyang pansin na mas palaguin sapagkat nakikita natin ang potensiyal nito na makipagsabayan sa ibang mga bansa. Ito rin ang nakikita nating solusyun sa gutom at kahirapan sa lumalalang problema ng ating mundo. Sa tumataas na presyo ng mga bilihin, isang malaking tulong sa mga bulakenyo ang pagkakaroon ng community vegetable garden na maaaring mapagkuhanan ng mga gulay at prutas para sa kanilang mga pamilya na hindi gumagastos ng malaki,” saad nito.

Ayon naman kay Mananes, ibinahagi niya na ang pagkakaroon ng pagkakaisa ang isang aspeto na hinahanap niya para sa isang komunidad.

“Kami ay natutuwa dahil hindi lamang pamunuan ng barangay ang namuno sa proyekto dahil sabi niyo po ‘yung inyong scrap book ay courtesy ng mga guro sa barangay so kahit sino pong sektor ay involved dito sa proyekto. Natutuwa po kami at nakamit ‘yung goal na magkaroon ng unity sa barangay para mabigyan natin ng hanapbuhay at oportunidad ang ating mga ka-barangay kaya sana po umpisahan natin sa barangay na maging parte tayo ng solusyon doon sa self-sufficiency o food sufficiency ng ating bansa,” wika nito.

Labis na kasiyahan naman na ibinahagi ni Garcia ang pagtutulungan ng kanilang komunidad para sa kanilang gulayan. Aniya, naging maparaan sila para sa mga materyales na gagamitin gaya ng paggamit ng mga plastik na makikita lamang sa paligid.

“Maraming salamat po sa lahat ng evaluators at sa mga positive feedbacks sa aming gulayan, ginawan po namin ng paraan na maging resourceful sa lahat ng bagay. Hindi lamang po pagod at hirap ang naranasan namin pati po kalyo sa pagugupit ng bote at paghahanap po ng mga pwedeng i-recycle, lahat din po ng kapitan na nagbahagi ng bote at mga nagpakahirap,” aniya.

#DAsaGitnangLuzonKatuwangsaPagAhon

Source: Department of Agriculture Central Luzon Facebook Page

https://www.facebook.com/DARFO3/posts/pfbid02F4QraNAdAydcmcTVbUD2H2qo4DgEV6c1CYdmNUftymvzuc3xhMPsMzYX1EvmfLUrl